Bangkay nahukay sa abandonadong bahay sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 09:32 PM

Nahukay ang bangkay ng isang lalaki sa General Santos City, Miyerkoles ng umaga.

GENERAL SANTOS CITY - Nahukay ang bangkay ng isang lalaki sa abandonandong bahay sa Barangay Fatima sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay purok chairperson Teng Salem, may nag-report sa kaniya na may isang batang babae na nakakitang may inilibing sa lugar. 

Isang residente ang nakapansin sa tambak ng lupa sa bahay na may semento at pinatungan pa ng sirang refrigerator.

Sinimulan ng ilang residente ang paghuhukay at nang tumambad ang isang kamay, tumawag sila ng Scene of the Crime Operatives. 

Nang nasa 3 talampakan na ang lalim ng hukay, tumambad ang katawan ng lalaking naka-blue collared shirt na may tatak na GenSan Business Center at Frank sa dibdib. Nakabalot ng masking tape ang mukha nito, at may tali sa kamay at paa.

Kinutuban naman ang isang alyas Jenelyn, dahil posibleng ito umano ang amo niyang 2 linggo nang nawawala.

Hindi pa makompirma ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at sanhi ng pagkamatay dahil nasa state of decomposition na ito.

Patuloy ang imbestigasyon at hawak na ng mga awtoridad ang menor de edad na nakakita umano sa paglibing sa biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.