4 na silid-aralan sa CamSur nilamon ng apoy

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 09:09 AM

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog na lumamon sa apat na silid-aralan ng Nabua Pilot Central School, Marso 13, 2018, sa bayan ng Nabua sa Camarines Sur. Photo courtesy of Wilfred Aries Carillo

Apat na silid-aralan ng isang pampublikong paaralan ang naabo sa sunog na sumiklab sa Nabua, Camarines Sur Martes ng gabi.

Ayon sa mga residente, mabilis na lumaki ang apoy sa Nabua Pilot Central School bago alas-10 ng gabi.

Umabot pa ito sa second alarm kaya rumesponde na ang bumbero sa katabing bayan ng Baao.

Luma na ang mga silid-aralang nilamon ng apoy pero ginagamit pa ito ng nasa 200 mag-aaral sa Grade 1 at 2.

Nasunog din ang ilang kagamitan tulad ng mga aklat, class records at electric fan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection ng Nabua, posibleng may nagsiga ng basura sa likod ng isang kuwarto ng eskuwelahan.

Posible rin na koneksiyon ng kuryente ang pinagmulan ng apoy.

Naapula ang sunog makalipas ang 40 minuto.

Pansamantalang gagamitin muna ang chapel, stage at evacuation center ng barangay para sa mga apektadong klase ng paaralan.

Bago ang sunog sa paaralan, isang kubo rin ang naabo sa Barangay San Roque matapos na magsiga ng basura ang matandang may-ari nito kahapon.

Wala namang nasugatan sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.