26 na container ng bigas, nahukay sa Bukidnon

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 01:05 AM

Nahukay ang 26 container na may lamang bigas sa Valencia City, Bukidnon noong Marso 9.

VALENCIA CITY, Bukidnon - Nahukay ng militar ang 26 na plastic containers na may lamang bigas sa Sitio Pantaron, Barangay Banlag dito nitong nakaraang Biyernes.

Ayon kay Brig. Gen. Eric Vinoya, commander ng 403rd Brigade, ang pagkadiskubre ng mga plastic containers ay bunga ng immersion ng mga sundalo sa community support program sa mga lugar na mga rebeldeng New People's Army (NPA). 

Natunton umano ito ng mga sundalo sa pamamagitan ng impormasyon mula sa mga residente na biktima umano ng pangingikil at pang-abuso ng NPA sa kanilang mga komunidad.

Pangalawang beses nang nakatagpo ang 88th Infantry Brigade ng bigas sa loob ng containers. 

Noong Pebrero 14, 67 containers na may bigas at dalawang drum na may pagkain at medical supplies ang nahukay sa Sitio Bulacao, Barangay Concepcion sa lungsod.

Ipinakita din ng mga sundalo sa media ang anim na baril na narekober at isinuko ng mga residente mula Enero ngayong taon hanggang Marso 11.

Kabilang dito ang isang Armalite rifle, isang machine gun, dalawang caliber .45 pistol, tatlong caliber 38 revolver, at mga bala.

Dagdag ni Vinoya, patuloy ang operasyon ng militar laban sa Communist Party of the Philippines-NPA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.