2 patay matapos masagasaan ng trailer truck sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 09:29 PM | Updated as of Mar 14 2018 09:33 PM

GENERAL SANTOS CITY- Patay ang driver ng motorsiklo at angkas nito matapos tumilapon at masagasaan ng isang trailer truck sa Barangay Labangal dito nitong Miyerkoles.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumabas na nawalan ng kontrol ang driver ng motorsiklo kaya bumangga sa center island sa national highway. Tiyempo namang paparating ang isang trailer truck kaya nasagasaan ang mga biktima.

Nakilala ang mga nasawi na sina Kenneth Cademia, driver ng motorsiklo, at Reymond Redo.

Ayon kay Police Chief Insp. Ruelito Lumiguid, hepe ng traffic management unit ng GenSan Police, nawalan umano ng kontrol sa manibela si Cademia dahil sa mabilis na pagpapatakbo.

Agad namang sumuko ang driver ng truck na si Christopher Abarquez. Aniya, nabigla na lang umano siya sa biglang pagsulpot ng motorsiklo kaya hindi na nakapagpreno. 

Nakahanda umano siyang tumulong sa mga biktima. Pero nahaharap pa rin siya sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide.

Inaalam pa ng pulisya kung nakahandang magsampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.