10 sasakyan, hinatak sa clearing ops ng MMDA

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 09:44 AM

MANILA – Muling nagsagawa ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa mga kalsada.

Sinuyod ng MMDA ang kahabaan ng 17th Avenue at 20th Avenue sa Cubao, Quezon City at hinatak ang umabot sa 10 nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalye. Dinala ang mga ito sa impounding area ng MMDA sa Marikina.

Kabilang sa nahatak ang isang truck na una nang nabigyan ng ticket dahil sa ilegal na pagpaparada sa 20th Avenue. Pero nang balikan ng MMDA makalipas ang kalahating oras nakitang hindi pa rin ito inaalis kaya hinatak na.

“Natikitan na tapos pinaalis na. Ngayon pag-ikot natin nandito na naman. Para lang tayong naglolokohan niyan. Hindi na natin puwede pagbigyan,” paliwanag ni JV Vialu ng MMDA.

Ito na ang ikawalong beses na nagsagawa ng clearing operation ang MMDA sa mga nasabing kalye.

Obserbasyon ng MMDA na marami na ang sumusunod sa no parking zone.

Dinala rin ng MMDA sa impounding area nila ang isang motorsiklo na maghahatid lamang sana ng 2 estudyante sa eskuwelahan.

Wala kasing lisensiya ang drayber ng motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.