1 patay, 9 sugatan sa sunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 11:27 PM

Isa ang patay at 9 ang nasaktan sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Pilar, Las Piñas City Miyerkoles ng umaga. 

Ayon kay FO1 Rizaldo Aitan, arson investigator, nakita ang bangkay ni Steve Yusalina Densing, 21, na nakahiga sa kama niya nang magsagawa ng mopping operation ang Bureau of Fire Protection—Las Piñas.

Ayon sa kapatid ng biktima, mahimbing talaga matulog si Densing dahil hatinggabi na siya nakakauwi mula sa trabaho. Sinubukan pa aniyang gisingin ang kaniyang kapatid sa pagtawag sa cellphone noong nasusunog na ang lugar.

Siyam naman ang naitalang nagtamo ng minor injuries tulad ng paso at laceration o mga sugat sa iba't-ibang parte ng katawan.

Pasado alas-2 ng madaling araw sumiklab ang sunog na nagsimula sa bahay ng isang alyas Cora dahil sa naiwan umanong niluluto sa kalan de uling.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay kaya't mabilis na itinaas sa ika-5 alarma ang sunog.

Tinatayang 500 mga bahay ang natupok sa sunog sa Laong Compound, Barangay Pilar.

Pitong daang pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa Pilar Complex habang 800 pamilya naman ang nag-evacuate sa covered court sa Barangay Almanza Uno. 

Mahigit kumulang P1.5 milyon ang halaga ng natupok na mga ari-arian. --Ulat nina Jervis Manahan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.