Pamilya ng OFW na nagpakamatay umano, humihingi ng tulong

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2017 01:40 PM

BUTUAN CITY - Dumulog sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Caraga si Alberto Cutar, ang live-in partner ng OFW sa Jeddah, Saudi Arabia na si Analyn Orquiz.

Lumipad patungong Jeddah ang 33-anyos na si Orquiz para magtrabaho bilang domestic worker nito lamang Pebrero a-5.

Pero makalipas lamang ang mahigit isang buwan, nabalitaan na lamang ni Alberto na nagbigti umano si Analyn nitong Marso 9.

Hindi naniniwala si Alberto na magagawa ng kanyang kinakasama ang magpakamatay kaya't humingi ito ng tulong sa gobyerno na alamin kung ano talaga ang sanhi ng kamatayan nito.

Marso 6 noong huli silang mag-usap ni Analyn at nalaman niyang natanggap na nito ang pinakauna niyang sweldo. 

Wala naman silang napag-usapang problema sa pinagtatrabahuhan si Analyn.

Nangako naman si OWWA Caraga Regional Director Samuel Madrid na paiimbestigahan sa Philippine Consulate ang nangyari. 

Inihahanda na ng OWWA Caraga ang mga kakailanganing dokumento para maiuwi ang mga labi ni Analyn.