Vice mayor na idinadawit sa kidnapping, nakuhanan ng baril, granada sa bahay

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 06:47 PM | Updated as of Mar 13 2018 08:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ilang baril at granada ang nasabat ng mga pulis sa bahay ng isang vice mayor na idinadawit sa pagdukot sa isang negosyante noong Disyembre.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang compound ni Angat vice mayor Gilberto Santos sa Bulacan nitong madaling araw ng Martes.

Nakuha ang dalawang kalibre .45 at isang granada sa bahay ni Santos.

Sa warehouse ng pamilya kung saan nakaimbak ang mga sako ng palay, nakuha ang isa pang granada.

Hindi rin pinalagpas sa paghahalughog ang loob ng dalawang sasakyan ng bise alkalde.

"Kasama sa search warrant, we will file a case versus vice mayor ng illegal possession of firearms and ammunition, pati yung sa grenade," ani Police Supt. Elmer Cereno, hepe ng AKG Public Information Office.

Tanging ang maybahay at mga kamag-anak ng bise alkalde ang naroon nang isagawa ang paghalughog.

Una palang, hindi na sila pumayag sa operasyon dahil itinanim umano ang mga ebidensiya.

"Sabi nila, sundin ang batas, pero sila mismong law enforcers ang nagva-violate ng law dahil 10-15 tao nakabonnet ang pinauna nila at nagtanim na ng baril at granada," ayon kay Atty. Ma. Theresa Villafuerte, kapatid ni Santos.

"If they are really observing the legal process, dapat nagtanong sila sa mga tao sa baba. May na-violate na sila na process pero they continued to proceed with the search," dagdag ni Villafuerte.

Ayon naman sa asawa, minabuti ni Santos na magtago muna para sa kaniyang kaligtasan.

Sa impormasyong nakuha ng mga pulis, ang bise alkalde umano ang lider at financier ng grupong sangkot sa kidnap for ransom sa negosyanteng si Raziel Bungay noong Disyembre.

Sa entrapment operation sa Barangay Sta. Lucia, nakaengkuwentro ng mga pulis ang mga kidnapper.

Apat sa mga suspek ang napatay, pero kapalit nito ang buhay ni Supt. Arthur Masungsong ng AKG Luzon Field Unit.

Nitong Pebrero, naaresto ng AKG si Donato Jacob alyas "Jonas," isang aktibong miyembro ng New People's Army at kasama sa kidnap-for-ransom group.

Si Jacob ang nagdiin umano kay Santos sa krimen.

Sabi ng pamilya Santos, hindi kapani-paniwala ang bintang sa bise alkalde.

Tingin pa ng pamilya, may bahid politika ang paghahalughog sa bahay ng vice mayor.

"Very strong ang objection ko diyan. My brother has been a public servant since 1994. I would like to believe na sa confession ni Donato Jacob, may political color dito," ani Villafuerte.

"That's their version, but during the gathering of evidence of our men on the ground, may katotohanan ang sinabi ni Jacob. For political motivation? Malayo. We are on the criminal aspect," sagot ni Cereno.

Sa ngayon, dalawang miyembro pa ng kidnap-for-ransom group ang pinaghahanap ng AKG.

Magsasampa naman ng reklamong administratibo ang pamilya ng bise alkalde laban sa mga nag-operate na pulis.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.