PNP, inaapela ang pagbasura ng kaso vs Kerwin Espinosa, iba pa

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 09:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) matapos ibasura ng DOJ ang mga reklamo laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim, at 20 pang iba kaugnay sa pangangalakal ng ilegal na droga.

Para sa mga kapulisan, maituturing na dagok sa kampanya kontra droga ng pamahalaan ang pagbasura sa mga reklamo.

"Nag-file kami ng [motion for] reconsideration and it's now being looked into," ani Roel Obusan, direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang investigation arm ng PNP. 

Bukod sa isinampang mosyon, naghahanap na rin ng karagdagang testigo at ebidensiya ang pulisya para sa posibleng muling pagsasampa ng kaso sa umano'y mga drug personality na sinasabing nagpapatakbo ng pinakamalaking drug operation sa Visayas.

"We'll use all our available legal remedies na mapapanagot natin 'yan sila, so naka-motion 'yan," sabi naman ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa.

Ipinawalang-sala ng DOJ noong Lunes sina Espinosa, Lim, Peter Co, at iba pa dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.

Ito'y sa kabila ng salaysay ni Espinosa sa isang pagdinig ng Senado kung saan sinabi niyang sangkot siya sa kalakaran ng ilegal na droga.

Hindi rin kinatigan ng DOJ ang salaysay ni Marcelo Adorco, ang tumestigong drayber ni Espinosa.

Ayon kay Raymond Fortun, abogado ni Espinosa, hindi naging kapani-paniwala ang salaysay ni Adorco.

"Ang problema ay 'yong mga affidavits ay hindi nagtutugma as to 'yong dates, taong involved, gaano karami 'yong alleged drugs na kinuha doon sa mga certain personalities na involved sa kaso," ani Fortun.

Ayon sa CIDG, drugs conspiracy ang isinampa nilang reklamo laban kina Espinosa at iba pa, kabilang si Senador Leila De Lima.

"Maliwanag na nagkaroon ng conspiracy among the respondents and natuloy talaga. Ayon sa prosecution, nagkaroon ng trading, traffic ng drugs sa loob ng bilangguan," ani Superintendent Joseph Orsos, pinuno ng CIDG Legal Division.

Isasailalim agad sa automatic review ang kaso para makita kung nagkaroon ng misappreciation of facts, ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang investigation panel ang binuo ng DOJ para repasuhin ang pagbabasura sa mga reklamo.

Hindi rin umano nangangahulugang ligtas na sa kaso sina Espinosa.

Para naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa tapos ang laban.

"If however it is necessary to file additional evidence, we will prompt police authorities to do so. We will not allow a big fish to go away if there's evidence to go after him," ani Roque.

-- Ulat nina Maan Macapagal, Bianca Dava, at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.