'Panggagahasa' sa 2 turista itinanggi ng boat crew sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:44 PM

MANILA - Pinabulaanan ng isang suspek ngayong Martes na ginahasa n'ya ang isang turista at tinangkang halayin ang kasama nito sa El Nido, Palawan.

Ayon sa pulisya, nagpunta ang mga biktimang Slovaks at kanilang mga kasintahan sa Cadlao island nitong Marso 6 ng hapon.

Kinagabihan, pumunta sa poblacion ang mga nobyo ng mga biktima para bumili kasama ang bangkero at naiwan ang 2 babae kasama ang suspek na boat crew.

Pasado alas-2 ng madaling araw ng Marso 7, ginahasa umano ng suspek ang isa sa mga babae at pinagtangkaan din ang kasama nito.

Iniharap sa media ni Palawan Governor Jose Alvarez at provincial police chief Senior Superintendent Gabriel Lopez ngayong Martes ang suspek na nahaharap sa kasong rape at attempted rape.

Iginiit naman nito na hubad na naligo ang 2 turista at nakipagkuwentuhan lang siya sa mga ito habang hinihintay ang kanilang mga kasama. Itinanggi niya ang umano'y panggagahasa.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga biktima.

RAPE

Aminado naman ang pulisya na hindi ipinagbigay-alam sa kanila ang biyahe ng bangkang sinakyan ng mga turista patungo sa Cadlao island.

Iimbestigahan anila kung magkakuntsaba ang bangkero at ang suspek.

Ito na ang pangalawang beses na may naiulat na kaso ng panggagahasa sa El Nido ngayong taon, ayon sa mga pulis.

Nitong Enero, isang British national anila ang hinalay ng isang mangingisdang nakilala nito sa isang disco bar, pero hindi na nagsampa ng kaso ang biktima.

Lumalabas din na may iba pang ganitong insidente sa ibang tourist destination sa Palawan na kailangan anilang imbestigahan dahil hindi direktang nai-report sa mga awtoridad.

Iginiit naman ng pulisya na hindi sila nagkulang ng paalala sa mga transport services at resort owners.

Nangako naman si Gov. Alvarez na paiigtingin ang seguridad at kakausapin sa probinsya sa tulong na rin ng mga taga-sektor ng turismo.

Hinihiling din nitong makipagtulungan sa gobyerno ang publiko upang hindi malagay sa alanganin ang imahe ng Palawan.