Mga naturukan ng Dengvaxia, dapat isinailalim muna sa pre-test: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 05:22 PM | Updated as of Mar 13 2018 08:38 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinagpatuloy nitong Martes ng Senado ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na bakunang Dengvaxia.

Sentro ng pagdinig ang pagdalo ng US-based dengue research expert na si Dr. Scott Halstead, na una nang nagbabala kontra Dengvaxia.

Ipinaliwanag ni Halstead ang pagkakaiba ng mga dengue vaccine pero pinuna nito ang paggamit ng Dengvaxia sa bansa.
    
Iginiit niya na bago bakunahan ang isang indibidwal, dapat munang magsagawa ng pre-test o "sero-screening" para matukoy kung ang babakunahan ay seropositive o seronegative.

Sa naturang pagsusuri, malalaman kung ang indibidwal ba ay nagpositibo na sa partikular na uri ng virus.
    
Ayon kay Halstead, susi ito para matiyak ang magiging epekto ng dengue vaccine.

"In that paper I made the suggestion that before the Dengvaxia is given to anybody, there should be a blood test so people who are seronegative will be excluded," aniya. 

Maaalalang sinabi ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxi, na maaaring magdulot ng mas malubhang dengue ang sinumang mababakunahan na hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit. 

Pero nilinaw ni Halstead na naniniwala siyang isinagawa "in good faith" ang anti-dengue vaccination program sa bansa.    

"Nobody in Sanofi wanted to harm anybody. It's just that they are dealing with a new microorganism that they didn’t really understand, that I really didn’t understand," giit ni Halstead.

Pero ayon kay Sen. Richard Gordon na chair ng Senate blue ribbon committee, hindi maaaring depensa ito dahil hindi maitatangging maraming dumaing ng sakit matapos umano maturukan.

"Kahit sabihin na Sanofi had the best of intention, in the implementation of this, a lot of people got sick and even died because they were not given enough information," ani Gordon.

Sa ngayon ay wala pang konkretong pag-aaral na itinuturo ang Dengvaxia bilang dahilan ng pagkamatay ng mga naturukang bata. 

-- May ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.