Mga mambabatas, di magkasundo sa 'articles of impeachment' vs Sereno

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 09:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kanselado ang nakatakdang pagdinig ng House justice committee sa Miyerkoles para sana aprubahan ang binabalangkas na articles of impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay committee chair Rey Umali, hindi sila magkasundo ng mga miyembro kung alin sa 27 reklamo ni Atty. Lorenzo Gadon ang pasok o laglag sa ieendorso nilang articles of impeachment.

Sa tantiya niya, baka sa Marso 19 o 20 na nila ito pagbotohan. 

Dati na silang pinagsabihan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na piliing mabuti kung anong mga bintang ang lilitisin sa Senado.

May buwelta naman ang mga kakampi ni Sereno sa komite.

"From the very start the complaint filed by Gadon was weak and despite the fishing expedition made by the [committee], they have not strengthened the feeble grounds against the Chief Justice," ani Albay Rep. Edcel Lagman.

"It really shows [that] even the justice committee is unsure whether the impeachment case they have stands on solid ground," giit naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin.
    
Ayon kay Umali, siguradong pasok ang reklamo sa statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), tax evasion, at pagiging maluho umano ni Sereno. 
    
Maaari rin umanong maisama ang kaniyang psychological evaluation.
    
Pero sagot ng mga kakampi ni Sereno, hindi naman impeachable ang anumang psychological incapacity o kahit na ang pakikitungo ni Sereno sa mga kasamahan niya.

"It is there most probably just to embarrass the Chief Justice...I think we are congressmen not psychiatrists," ayon kay Lagman. 

Samantala, pasok na bilang private prosecutor si dating Senate President Juan Ponce Enrile, na nag-preside sa impeachment trial noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
    
Sabi ni Umali, boluntaryo ang serbisyo ni Enrile kaya't ito ay "libre."

Volunteer din umano ang iba pang beterano sa Corona trial tulad nina Atty. Biboy Malaya na kasama sa prosekusyon, at sina Atty. Tranquil Salvador at Dennis Manalo na mga pribadong abugado ng depensa.
    
Inaasahang sa Mayo pa rin ang botohan sa plenaryo para bigyang-daan ang hatol ng Korte Suprema sa quo warranto petition laban kay Sereno.

'Neutrality'

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpasalamat naman si Sereno sa mga huwes na nanindigang hindi makialam sa isyu ng impeachment laban sa kaniya.
    
Panauhing pandangal si Sereno sa University of Negros Occidental-Recoletos sa Bacolod City, kung saan niya tinalakay ang mga reporma sa hudikatura at ang hangaring mapanatili itong "independent" mula sa politika. 

Kaisa ni Sereno ang mga hukom at court employees sa Negros Occidental sa panawagang protektahan ang hudikaturang naiipit sa kontrobersiya.

"Our stand is that we do not side with any personality...We are for neutrality, upholding the rule of law and due process," giit ni Judge Katherine Go, presidente ng Negros Occidental Regional Trial Court Judges Association.

Kahit si retired Chief Justice Hilario Davide, na namuno sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, nanawagan sa hudikatura na huwag nang makialam.

"I call on the judges and employees of the judiciary to respect the rights of the Chief Justice...I fully agree with her appeal that all members and employees of the judiciary should not involve themselves in the political fray," ani Davide.

--Ulat nina Marty Go at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.