Lalaki nalunod sa resort sa Rizal

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:48 PM

MANILA - Patay ang isang lalaking nalunod sa resort sa Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal nitong Martes.

Wala nang buhay si alyas "Niño" nang makita ito ng kaniyang mga kamag-anak matapos malunod sa 6 na talampakan na swimming pool.

Ayon sa kaniyang ina, nag-aya ang biktima na mag-night swimming dahil aprubado na ang kaniyang petisyon papuntang Canada at nakatakda nang lumipad sa nasabing bansa upang makasama ang asawa.

Pasado alas-2 ng madaling araw nang magdesisyon ang pamilya na matulog na ngunit naiwan daw ang biktima at nag-karaoke pa.

Paalis na umano ang pamilya bandang alas-7 ng umaga nang hanapin ang biktima na nakita sa ilalim ng swimming pool.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara na siyang dead on arrival.

KASALANAN NG RESORT?

Galit na galit ang pamilya ng biktima at sinisisi ang resort sa umano'y kapabayaan. 

Wala raw lifeguard na nakabantay kahit alam nilang night swimming ang pinuntahan ng mga bisita.

Ayon naman sa kinatawan ng resort na si Jennifer Jiro, hindi raw sila nagkulang sa paalala sa mga bisita na maging maingat at bantayan ang mga kasamang hindi marunong lumangoy.

Hanggang alas-5 ng umaga lang daw ang schedule ng pamilya at pinaalalahanang huwag nang lumangoy sa pool. 

Gayunpaman, nakikiramay daw sila at handa raw makipagtulungan ang pamunuan ng resort para sa mga gastusin ng pamilya.

Wala namang CCTV sa resort na makatutulong sana para malaman ang buong pangyayari.

Isasailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng biktima samantalang iniimbestigahan na rin ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.