Ilang cottage, tindahan sa Pagudpud pinatanggal ni Cimatu

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 04:14 PM | Updated as of Mar 13 2018 05:02 PM

Photo by Dennis Agcaoili, ABS-CBN News
Photo by Dennis Agcaoili, ABS-CBN News

Pinatanggal ni Environment Secretary Roy Cimatu nitong Martes ang ilang mga establisimyento sa Pagudpud matapos makitang nakapaloob ang mga ito sa no-build zone.

Naghihigpit ang gobyerno sa mga resort matapos malamang puno na ng dumi ang ilang bahagi ng Boracay.

Bukod sa pasok ang mga cottage at tindahan sa 20-metro na no-build zone sa Pagudpud, nadiskubre din na kulang sa lapad barangay road.

Pati ang landing area ng zipline na pagmamay-ari ng pinakamalaking resort sa Balaoi area, napuna rin ni Cimatu.

"Para naman pantay-pantay kayo, alisin na rin ito," aniya.

Photo by Dennis Agcaoili, ABS-CBN News
Photo by Dennis Agcaoili, ABS-CBN News

Napansin din nito ang natabas na bahagi ng bundok kung saan ipinapatayo ang isang malaking building.

May nadiskubre ding creek na dumi-diretso sa dagat, kaya ipinag-utos ni Cimatu sa Environment Management Bureau na isama sa water sampling ang tubig dito para malaman kung ligtas ito. 

Natuklasan din ang problema sa lugar ng land ownership ng ilang mga residente, maging ang tila kaniya-kaniyang pagpapatayo ng mga establisimyento.

Magpapadala si Cimatu ng task force sa lugar para siyasatin ang mga problemang ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.