Comelec, tuloy ang paghahanda para sa barangay, SK elections

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 08:22 PM

Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy pa rin ang kanilang paghahanda para sa nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo, sa kabila ng mga panukalang iurong ito sa ikatlong pagkakataon. 

"As far as Comelec is concerned tuloy po ang halalan. It takes a law to postpone the barangay and SK election," ani Comelec spokesperson James Jimenez.

Paliwanag ni Jimenez, kinakailangang sabay na may maaprubahang batas ng postponement sa Kamara at Senado.

"All we have is a committee ruling. Yung pinaka-clincher diyan, kailangan mayroon counterpart sa Senate," dagdag ni Jimenez.

Pumabor noong Lunes ang House committee on suffrage and electoral reforms, sa botong 14 to 2, na ipagpaliban ang halalan. Sa isa pang botohan ng komite, ipinanukala na sa ikalawang Lunes ng Oktubre na lang ito idaos.

Ayon kay Oriental Mindoro 2nd District Rep. Reynaldo Umali, kahit limang session days na lang ang natitira, maaari pa rin umanong ipagpaliban ang halalan kung bibilisan ng Senado.

"Kami nga isang araw, eto matatapos namin. 'Pag gusto may paraan, 'pag ayaw may dahilan," sabi ni Umali.

'PHYSICALLY IMPOSSIBLE'

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na "physically impossible" o imposible para sa Senado na i-urong pa ang barangay at SK elections, lalo at wala pang naghahain ng panukala sa mataas na kapulungan.

"Physically impossible [na maipasa] unless ise-certify na urgent at saka kami'y biglang io-overtime namin ito," aniya

"Karamihan sa amin ay hindi pabor," dagdag ni Sotto.

Para naman sa Palasyo, ipinauubaya na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lehislatura ang isyu.

"He defers to the wisdom of Congress in this regard. He has expressed a preference na sana matuloy but if Congress so decides, then he will respect the decision to postpone it anew," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa ngayon ay nasa 85 porsiyento nang handa ang Comelec sa halalan at bilyong halaga na umano ang nagastos nila para rito.

"Mahirap magbigay ng running total but we do have a working budget of five to six billion pesos. We have printed more than 55 million ballots, we're on track to print 18 million more," ani Jimenez.

Ayon sa Comelec Employees Union, masasayang ang nabili nang mga indelible ink dahil matutuyo rin ito kapag hindi nagamit sa Mayo.

Nakapanghihinayang din umano ang milyong pirasong papel na ginamit na para sa listahan ng mga botante kapag naantala ang halalan.

Isa rin sa mga nakikitang suliraning haharapin ng poll body kung mauurong sa Oktubre ang barangay at SK elections ay makakasabay nito ang filing ng certificates of candidacy para sa May 2019 midterm elections.

Hindi rin pabor si Department of the Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año na muling maantala ang halalan.

Ayon kay Año, may 7,000 barangay na umano ang apektado ng kalakaran ng ilegal na droga at halos limang taon nang nakaupo ang ilang kapitan kaya dapat matuloy ang halalan.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.