Alok sa Czech Republic: Trabahong $600 ang sahod, walang placement fee

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 10:12 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit 1,000 trabaho sa Czech Republic ang puwede nang apply-an ngayon ng mga Pinoy, ayon sa isang recruitment agency.

Bukod pa iyan sa 1,000 manggagawa na kakailanganin din ng nasabing bansa ngayong 2018.

Ayon sa recruitment agency na EDI-Staffbuilders International, Inc., mga warehouse worker, repair and debug operator, at mga butcher o matadero ang ilan sa bukas na trabaho ngayon sa Czech Republic.

Sabi ng ahensiya, naghahanap ang Czech Republic ng mga manggagawa dahil kulang ang kanilang labor force.

Pinoy workers din daw ang gustong maging empleyado ng Czech employers.

"They love the Filipinos because the Filipinos are really well-known as very hard workers. Ang maganda pa nito, may capability tayo ng English [language]," ani Cesar Averia Jr., president at CEO ng nabanggit na recruitment agency.

Kailangan lang paghandaan ang proseso ng aplikasyon.

Bukod sa dapat ay matatas sa Ingles, madalas ay kailangan din ng tatlo hanggang apat na taong karanasan.

Kung dati nang overseas Filipino worker (OFW), kailangan ng police clearance sa lahat ng pinagtrabahuang bansa. 

Dapat ding may bisa pa ng dalawang taon ang pasaporte ng aplikante.

Sulit naman kung makakapasa dahil $600 pataas ang sahod ng regular na manggagawa sa Czech Republic.

Wala ring placement fee at sagot pa ng employers ang accomodation o tutuluyan ng manggagawa pati na rin ang transportation o pagbiyahe papuntang Czech Republic ng matatanggap na Pinoy.

May iba ring employers na nag-aalok ng food allowance.

Sa datos naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), lumalabas na nasa mahigit 1,000 ngayon ang aktibong job vacancy o mga trabahong puwedeng pasukan sa Czech Republic.

Pero paalala ng POEA, bawal pa ang deployment sa pamamagitan ng direct hiring o iyong hindi dadaan sa recruitment agency. 

Ito ay dahil kailangan pang magkaroon ng bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic.

Naghigpit kasi ngayon ang Pilipinas dahil sa mga nangyaring pang-aabuso sa mga OFW sa ibang bansa.

"As much as possible, we do not allow deployment of workers to a labor-receiving country na wala tayong bilateral labor agreement or any mutual agreement na kung nasaan ang full protection ng ating workers," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

Pinag-aaralan na ng POEA at ng Philippine Embassy ang posibilidad ng mas malawakang deployment sa Czech Republic.-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.