500 pamilya, nag-'bakwit' dahil sa bakbakang militar-BIFF

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 06:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit 500 pamilya na ang lumikas mula nang isagawa nitong 
Huwebes ang military operations laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Malangog sa boundary ng mga bayan ng Datu Unsay at Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Mino-monitor na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Datu Saudi Ampatuan ang sitwasyon ng mga lumikas.

Ang mga evacuees o 'bakwit' ay pansamantalang sumisilong sa mga paaralan ng Dapiawan at mga Madrasah.

Ang iba naman ay house-based o nakikitira sa mga kamag-anak.

"Na-trauma na sila, itong 'yung masamang effect [ng bakbakan]," ani Akmad Donia, municipal administrator ng Datu Saudi Ampatuan.

Patuloy ngayon ang relief operations na ginagawa ng lokal na pamahalaan para sa mga bakwit.
    
Ayon naman sa militar, magpapatuloy ang clearing operations sa mga bayan ng Salbo-Pagatin-Mamasapano-Shariff Aguak o SPMS Box na pinagkukutaan ng BIFF.

--Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.