15 anyos na nakipaglamay, ginulpi, pinukol ng hollow block ng mga 'lasing'

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 10:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang pambubugbog ng grupo ng mga lalaki sa isang menor de edad sa Taytay, Rizal.

Tinukoy ang biktima na si alyas "Mark," 15 anyos, na nagtamo ng saksak sa braso at mga sugat sa ulo, balikat, at binti.

Ayon sa ina ng biktima na si alyas "Myrna," galing si Mark sa isang lamay nang abangan siya ng grupo ng mga lalaki noong Marso 4.

Sa kuha ng CCTV, na ibinigay ng barangay sa pamilya, makikitang may mga lalaking nagtakbuhan bago mag-alas-4 ng madaling araw.

Ilang sandali pa, natumba at gumulong si Mark sa kalsada at saka pinagtulungang bugbugin ng mga sumugod na mga lalaki.

May ilan pang kumuha ng hollow block at bato at inihampas kay Mark.

Kahit nakalupasay na sa kalsada ang biktima, tuloy pa rin ang pambubugbog sa kaniya ng mga lalaki.

Nakatayo si Mark at kahit hilong-hilo aniya siya noon ay nakatakbo siya palayo.

Nakausap pa ni Myrna ang mga suspek at depensa nila, lasing lang umano sila kaya nagawa ang panggugulpi.

Desidido si Myrna na mapakulong ang mga nambugbog sa kaniyang anak.

Ayon sa PNP, kasong frustrated homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o anti-child abuse law ang isinampa nilang kaso sa Rizal Provincial Prosecutor's Office laban sa mga natukoy na suspek. -- Ulat nina Jasmin Romero at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.