Negosyante, nailigtas mula sa kidnap gang; 5 suspek, tiklo

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Mar 13 2017 11:19 AM

MANILA - Nailigtas ng pulisya mula sa 4-buwang pagkakabihag sa kamay ng kidnap-for-ransom syndicate ang isang negosyanteng mula sa Calabanga, Camarines Sur.

Iniharap sa media Lunes ni Philippine National Police Chief, Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang 5 suspek sa pagdukot sa biktimang si Francis Sta. Maria Maulion.

Kwento ni Maulion, nasa kanilang poultry at piggery farm siya noong Nobyembre 23, 2016 nang dukutin ng mga armadong lalaki.

Pinagpalipat-lipat aniya siya ng lugar na pinagtataguan.

Bagama't pinapakain anya siya ng mga kidnapper, itinali ng mga ito ang kanyang mga kamay at paa, at tinakot siya na pupugutan ng ulo o puputulan ng daliri at ipadadala sa kanyang pamilya kapag hindi nagbayad ng ransom.

Nasakote ang mga suspek nang ibigay ng pamilya ni Maulion ang nasa P1.2 milyon na ransom.

Nag-init naman ang ulo ni Dela Rosa sa isa sa mga suspek, na nakilala bilang barangay captain sa Camarines. Todo-tanggi naman ang suspek na sangkot siya sa krimen.

Inamin din ng PNP chief na may ilang pulis na nagsisilbing protector ng drug at kidnapping gangs.

Nabawi mula sa mga kidnapper ang ransom money, mga matataas na kalibre ng baril, mga granada, samu't saring bala at iba pang armas.

Tinutugis pa ang lider ng grupo na kinilalang si alyas "Ronald Guachin."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.