Lalaking nangingisda, patay matapos makuryente

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2017 08:11 PM

ILOCOS NORTE - Patay ang isang construction worker matapos makuryente habang nangingisda sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Laureta sa bayan ng Solsona, Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na si Emmanuel Tomas. Ayon sa imbestigasyon, nakuryente si Tomas sa live wire na ginamit niyang panghuli ng isda. Isinaksak pa umano nito ang wire sa isang outlet atsaka inilubog sa fish cage.

Naisugod si Tomas sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa asawa niyang si Mary Jane, unang beses lamang gumamit ni Tomas ng live wire upang kuryentehin ang mga isda.

"Hindi naman siya nangunguryente. Hindi ko po alam kung bakit. Naniniwala akong aksidente po yun," aniya.

Ayon kay Police Inspector Ralph Dayag, nakainom ng alak ang biktima nang mangyari ang insidente.

"He was under the influence of alcohol kaya he was out of control noong ginawa niya yun," aniya.

Hindi na narekober ang live wire na ginamit ni Tomas sa panghuhuli ng isda.

Ayon kay Dayag, ipinagbabawal ang paggamit ng kuryente sa pangingisda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.