2 SUVs ng rent-sangla scam, narekober

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 07:13 PM

Nagreklamo sa Highway Patrol Group Task Force Limbas si alyas “Alma” matapos na mabiktima ng rent- sangla scam. 

Ahente niya si Sabina Torrea na tauhan di umano ni Rafaela Anunciacion. 

Sa tulong ng GPS, natunton niya ang kinaroroonan ng kanyang Montero Sports at napag-alaman niya na naisangla pala ito ng grupo ni Anunciacion sa isang police official sa Carmona, Cavite. 

Pero mula pa Enero nang pumutok ang scam ay nagmatigas ang opisyal na isurrender sa kanya ang kanyang sasakyan. Dapat daw ay mabayaran siya ng P400,000 bago niya isauli ang sasakyan. Kaya humingi na kanina ng tulong sa PNP HPG Task Force Limbas si Alma para mabawi sa pulis Carmona ang sasakyan.

Naabutan ng news team ang SUV na nakaparada sa likod ng munisipyo at dahil naroon na mga taga HPG, napilitan na ang pulis na isurrender ang susi ng SUV sa may ari pero tumanggi na itong humarap sa kamera dahil ayon sa kanya, isa rin siyang biktima ng scam.

Isa pang SUV ni Alma ang natunton na isinangla sa isa namang police colonel na may mataas na katungkulan sa Region 4A. Pero di tulad ng pulis Carmona ay matiwasay na naibalik ng police colonel ang SUV kahit pa nalugi siya ng P400,000. Sa pahayag ng police colonel, kawawa rin ang mga registered owner at pareho lang din silang mga biktima. May legal na proseso naman daw para mapanagot ang ahenteng si Torrea at amo nitong si Anunciacion. Pinapangalagaan din daw niya ang imahen ng PNP na dapat hindi mag may ari ng mga sasakyan na may bahid ng anomalya.

Samantala, inutusan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang lahat ng mga bangko na nasangkot sa rent-sangla scam na magimbestiga at magsumite sa kanila ng resulta ng imbestigasyon at kung ano ang gagawin nila para di na maulit ito.

Nagbabala ang HPG na kakasuhan ang mga napagsanglaan na tatanggi na isauli o isurrender ang mga sasakyan dahil unang-una, hindi sila ang registered owners ng mga sasakyan. Tuloy tuloy din ang pagrekober nila sa mga sasakyan at hindi sasantuhin kahit mga pulitiko pa sila o mataas ang katungkulan sa pulisya at gobyerno.

Ayon sa BSP, dapat hindi mangyari ang mga ganito dahil ang mga bangko ay talagang may proseso, may polisiya kung papaano sila magpapautang. Kung sinusunod daw ito, hindi sila makakapag-pautang sa mga walang kakayanang magbayad at yung paggagamitan ay hindi sigurado. 

Dagdag pa ng BSP, meron din silang watchlisting ng mga officers ng bangko pag napatunayan na talagang kasabwat sila ay maari silang makasuhan ng administratibo para di na rin sila makapagtrabaho sa iba pa pang financial institutions.

Nagpaalala rin ang BSP sa publiko na wag basta masilaw sa mga pangako na mala-too good to be true dahil malamang ay scam ito.