Ilang bagong miyembro ng PDP-Laban, tutol sa pag-apura sa cha-cha

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 11:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naniniwala ang ilang lokal na opisyal na hindi dapat madaliin ang pagpapalit ng Konstitusyon o charter change (cha-cha), at hindi rin dapat isakripisyo para rito ang papalapit na halalan sa Mayo.

Ito ang paniniwala ng ilan sa higit 3,000 bagong miyembro ng PDP-Laban sa Northern Samar, kahit pa alam nilang numero unong kondisyon sa pag-anib sa partido ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuporta sa isinusulong nitong pederalismo.

"Ang number one maaapektuhan diyan 'yung mahirap, lalo na ngayon 'yung kabuhayan dito sa amin copras lang," ayon sa kapitanang si Edna Sañosa.

May mga tutol din sa panukalang ipagpaliban ulit ang barangay elections sa Mayo.

"Dapat 'yung mga congressman manahimik lang muna...[Kasi] kung appointed ka lang, medyo shaky 'yung position mo bilang barangay official unlike if you are elected," paliwanag ni Barangay Captain Felipe Laodenio. 
    
May mga lumulutang kasing suhestiyon mula sa ilang kaalyado ng Pangulo sa Kongreso na i-postpone ulit ito para tutukan ang paggawa ng draft ng panukalang Konstitusyon.

Aminado naman si House Speaker Pantaleon Alvarez na malaki ang posibilidad na matuloy na ang barangay elections sa Mayo pero nilinaw niya na hindi nila minamadali ang pagpapalit ng Konstitusyon.

Tuloy-tuloy pa rin ang pag-iikot ni Alvarez sa mga probinsiya para mangalap ng suporta sa isinusulong na pederalismo.

--Ulay ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.