Tsuper ng UV Express huli matapos umanong manutok ng baril

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 11:14 AM

MANILA - Inaresto ang isang tsuper na nanutok umano ng baril sa kapwa niya drayber sa terminal sa EDSA - North Avenue, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay PO1 Wally Dizon, na nakaestasyon malapit sa terminal, nagsumbong sa kaniya ang isang drayber na umano'y nakasagutan sa pila ng suspek na si alyas "Bong."

Pagdating ng pulis sa terminal, nakataas agad ang kamay ng suspek pero nakasukbit sa kaniyang katawan ang bag na may lamang baril.

Itinanggi ni Bong ang alegasyon ng panunutok. Dala umano niya ang baril dahil may kaibigan siyang interesadong bilhin ito. Hindi rin umano niya ipinakita sa mga tao ang baril.

Aminado naman si Bong na walang papeles ang kanyang baril dahil pinoproseso pa lamang ito. Nag-expire aniya ang papeles ng kaniyang baril nitong Nobyembre.

Ayon sa pulisya, hindi puwedeng magdala o maglabas ng baril kung wala itong papeles kaya maaaring maharap ang suspek sa mga kasong grave threat at illegal possession firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.