PANOORIN: Babae nakipag-agawan ng bag sa magnanakaw

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 10:28 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Video courtesy of Rudlyn Mistula

MANDAUE CITY, Cebu – Nagtamo ng mga sugat at pasa sa kamay ang isang babae matapos makipag-agawan ng bag sa magnanakaw na nanghablot nito sa tapat ng kaniyang bahay noong Martes.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng 2 lalaking naka-motorsiklo sa harap ng bahay ng biktimang si Janeth Quevedo sa Consuelo Village, Barangay Basak.

Bumaba ang isa sa mga lalaking naka-bonnet, nilapitan si Quevado at nagdeklara ng holdap. Nagsilbi namang lookout ang kasamahan nito.

Dito na nag-agawan sa bag si Quevado at ang kawatan. Pinukpok ng lalaki ng baril sa kamay ang biktima para makabitaw ito.

Napahiga si Quevado sa kalsada at nakaladkad pa ng mga patakas na suspek.

Kuwento niya, nagpaputok pa ang kawatan pero suwerteng hindi siya tinamaan. Papasok na aniya siya sa gate ng bahay nang maholdap.

Inamin ni Quevado na delikado ang kaniyang ginawa, pero importante aniya ang laman ng bag, kabilang na ang kaniyang pera, gadget at ID’s.

Sinabi naman ng mga pulis na posibleng hindi taga-Mandaue ang mga holdaper at napadaan lang sa bahay ni Quevedo.

Nagtalaga na ng 18 na barangay tanod para magbantay sa lugar kapag gabi.

Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.