Paano ang turismo, mga apektadong empleyado kapag sinara ang Boracay?

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 09:13 PM

Sakaling matuloy ang mungkahing pagpapasara sa Boracay, balak ng Department of Tourism na hilingin sa mga airline company na huwag nang maningil ng rebooking fee mula sa mga turistang nakaplano nang bumisita sa isla, ayon kay Tourism Sec. Wanda Teo.

Alinsunod ito sa panukalang dalawang buwang pagpapasara ng Boracay sa mga turista upang bigyang daan ang rehabilitasyon na tinitingnang lulutas sa mga problemang pangkalikasan ng isla.

Ayon kay Teo, plano rin ng ahensiya nilang i-promote o ibida ang ibang tourist destination sa bansa bilang alternatibo kapag ipinasara ang Boracay, na nangungunang destinasyon ng mga turista.

Balak isabay ang shutdown ng Boracay sa panahon ng habagat para hindi umano gaanong maapektuhan ang kita sa turismo.

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año, responsibilidad ng mga may-ari ng establisimyento na alalayan ang kanilang mga empleyado kapag ipinasara ang isla.

May 800 establisimyento, ayon kay Año, ang nakikitaan na may paglabag.

Libo-libo rin daw na mga residente ang kailangang ipaayos ang kanilang drainage system o paagusan. 

Una nang tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "cesspool" o tapunan ng basura ang Boracay dahil sa sari-saring problemang pangkalikasan. 

Ipinahayag na rin ng pangulo ang kaniyang balak na isailalim ang isla sa state of calamity at binalaan na kakasuhan ang sino mang hindi tutulong sa rehabilitasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.