Kotse sumalpok, dumiretso sa loob ng repair shop; 3 sugatan

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 08:45 PM

Photo courtesy of Emmanuel Escario

LAOAG CITY - Sugatan ang tatlong magkakaibigan matapos sumalpok at dumiretso ang sinasakyang kotse sa loob ng isang auto repair shop sa Nangalisan dito sa siyudad 4:30 ng umaga Huwebes.

Kinilala ang drayber ng kotse na si John Agustin habang ang dalawang sakay naman nito ay sina Romnick Ulep at Joseph Pumaras.

Ayon kay PO2 Melmar Antonio, imbestigador ng Laoag City Traffic Division, pauwi na sana ang tatlo nang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver hanggang sa bumangga na lamang ito sa pader ng isang auto repair shop.

"Ayon sa driver, liliko sana sila pa-San Nicolas, medyo mabilis sila kaya hindi niya na-kontrol ang manibela ng kotse then nag-swerve sa opposite lane kaya dumiretso hanggang sa nabangga niya ang isang establisimyento," ani Antonio.

Wasak ang buong harapan ng kotse.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan at mukha ang tatlo na agad namang isinugod sa ospital.

Napuruhan si Ulep na nabali ang bukong-bukong at kaliwang balikat.

Ayon kay Ulep, bago ang insidente, galing sila sa isang salu-salo at nag-inuman.

Accident prone area ang lugar, kung saan halos lahat ng insidente ay self-accident.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.