Kababaihan di napigil, nagmartsa pa-Mendiola

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 08:20 PM | Updated as of Mar 08 2018 09:31 PM

MAYNILA - Itinuloy ng grupong Gabriela ang kanilang martsa sa Mendiola ngayong Huwebes, International Women's Day, bilang pagkondena sa umano'y pag-atake ng administrasyong Duterte sa kababaihan. 

Ito ay sa kabila ng umano'y hindi pagpayag ng Manila City Hall sa grupo na magsagawa ng programa sa Mendiola, tulad ng kanilang ginagawa taon-taon, dahil sa umano'y security risk na dala nila sa MalacaƱang.

Sa Facebook, ipinost ng Gabriela ang kuha nila ng dokumentong ibinigay sa kanila ng Manila City Hall nang kanilang tanungin kung bakit sa Liwasang Bonifacio lang sila pinayagan magsagawa ng programa. 

Liham itong pirmado ni Supt. Joel Colonel, hepe ng Manila Police District, petsang Pebrero 24, 2018, para kay Mayor Joseph Estrada. Ito ay tugon ng pulisya sa hiling ng Gabriela na makapag-rally ngayong araw, Marso 8, 2018.

"Nag-apply kasi kami ng permit sa City Hall for today's protest as we always do. They granted 'yung permit to hold dito sa Liwasan pero hindi na sa Mendiola. Ang reason na nakalagay dahil nga sa reservation ng MPD (Manila Police District). We asked for a copy of the MPD letter, tapos nakuha nga namin at ganun ang sinasabi nila," sabi sa ABS-CBN News ni Joms Salvador, secretary-general ng Gabriela. 

Hawak man ng Gabriela ang orihinal na kopya ng liham na ibinigay sa kanila, itinanggi pa rin ng Manila City Hall at MPD ang bagay na ito. Banat pa ni Bambi Purisima, tagapagsalita ng City Hall, "fake news" umano ito.

Pero bawal man o hindi, itinuloy ang martsa pa-Mendiola ngayong araw ng mga grupo ng kababaihan at mula sa ibang sektor. 

Sentro ng protesta ng mga kababaihan ang umano'y mga pahayag ng pangulong bukod sa bayolente ay nakababastos, hindi lang sa mga babae, kundi pati sa mga mamamahayag at mga tao. 

Kabilang sa mga "biro" ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikinagalit ng mga kababaihan nitong mga nakaraang buwan ay ang utos nitong barilin sa ari ang mga babaeng miyembro ng New People's Army.

Kinokondena rin ng Gabriela ang umano'y mga polisiya ng administrasyong Duterte laban sa mga mahihirap, tulad ng tax reform law, gayundin ng pagpapatuloy ng kontraktuwalisasyon. -- kasama ang ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.