Init, siksikan, dala ay TB, pigsa, eczema sa Manila City Jail

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 08:55 PM

Dumarami ang kaso ng mga bilanggo sa Manila City Jail na nakararanas ng mga sari-saring sakit bunsod ng siksikan sa kulungan at matinding init.

Nasa 120 preso ang binabantayan ng pamunuan ng bilangguan dahil sa hypertension habang higit 10 naman umano ang may mga sakit sa balat.

Bukod sa mga summer disease o iyong mga sakit na dulot ng matinding init ng panahon, nasa 38 preso naman ang nagpositibo sa tuberculosis.

"Estimate po natin ay nasa 100 plus iyong may TB (tuberculosis) ngayon, naka-confine sila sa 'tin sa isolation area," sabi ni Manila City Jail spokesperson Jay Bustinera.

Kuwento ng presong si Ricardo Ranay, dumami ang mga marka ng sakit na eczema sa kaniyang katawan dahil umano sa patuloy na pag-init ng panahon.

May bago na ring tumubong pigsa sa kaniyang tagiliran.

Lumalala pa ang mga ito kapag hindi niya sinasadyang nakakamot tuwing pagpapawisan.

"Minsan naliligo ako ng madaling araw, sa umaga, ilang beses nga ako naliligo," ani Ranay.

Ayon sa pamunuan ng Manila City Jail, isa sa kailangang bigyan ng solusyon ay ang jail congestion o pagsikip sa kulungan.

Nasa 1,000 preso lang kasi umano ang kapasidad ng bilangguan pero ngayon ay 5,000 ang nakukulong doon. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.