Halos 300 barangay official nasa narco-list, posibleng dumami pa: PDEA

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 12:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Posibleng madagdagan pa ang halos 300 barangay officials na nasa "narco-list" ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Huwebes.

Kabuuang 289 barangay officials ang nasa listahan ng mga umano'y sangkot sa bentahan ng bawal na gamot. Barangay captain ang 143 sa mga ito habang 146 ang mga kagawad, ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino.

May hiwalay na watchlist ang PDEA na tinatawag na National Drug Information System. May mga lokal na opisyal sa naturang listahan na wala sa narco-list ni Duterte, ani Aquino sa panayam ng DZMM.

Karamihan aniya sa mga naturang opisyal ay mula sa Mindanao, kung saan "war-torn area daw 'yung kanilang barangay, magulo, walang katahimikan doon kaya 'di mapatupad yung batas at 'di ma-activate yung BADAC (Barangay Anti-Drug Abuse Council)."

Sa mahigit 42,000 na mga barangay sa Pilipinas, nasa 30 porsiyento dito ay wala o hindi aktibo ang BADAC, sabi ni Aquino.

"At yung 30 porsiyento na yun, mas malaki pa siguro ang percentage nung na-activate pero nonfunctional. In short, activated nga ang BADAC nila pero walang nagta-trabaho sa BADAC," dagdag niya.

Marami aniyang rason kung bakit hindi aktibo o hindi ipinatutupad ng mga barangay ang BADAC, taliwas sa batas. Kasama aniya rito ang posibleng pagkakasangkot ng barangay captain o kagawad sa ilegal na droga.

"Mahihirapan nga naman silang ipatupad ang batas na 'yan dahil sila ang magiging frontliner pagdating sa war on illegal drugs diyan sa mga barangay," paliwanag niya.

Nakipagpulong na ang PDEA sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na nangako namang maa-activate ang lahat ng BADAC sa loob ng 30 araw, sabi ni Aquino.

Tiniyal naman ni DILG undersecretary Martin Diño na nakahanda ang kaniyang ahensya na suspendehin ang mga opisyal na hindi susunod sa batas hinggil sa BADAC.

"This time, kailangang kumilos na kayo," pakiusap ni Diño sa lahat ng mga barangay official. "Seryoso kaming suspendehin kayo hanggang sa matanggal kayo sa puwesto," dagdag niya.

Sa kabila nito, patuloy pa ring tinututukan ng PDEA ang mga malalaking isda sa likod ng pagpasok sa bansa ng tone-toneladang shabu at iba pang ilegal na droga.

"If we cannot stop the main supply ng drugs, kahit anong campaign mo diyan sa baba, sa ground, hindi mahihinto," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.