Driver nabulag matapos batuhin ang windshield ng bus

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 04:20 PM

LAOAG CITY – Hindi na makakakita pa sa kaliwang mata ang isang driver matapos na mabulag sa insidente ng pamamato sa minamaneho niyang bus halos isang buwan na ang nakalipas.

Pebrero 9 nang batuhin ang bus na minamaneho ni Fredieson Cabralda sa Cabugao, Ilocos Sur. 

Nabasag ang windshield ng bus at tumama ang bato sa kaniyang mukha.
 
“'Yung eyeball talaga ang tinamaan at hindi na naisalba ng mga doktor kaya nawalan na ng paningin 'yun kaliwang mata ko,” ani Cabralda.

Sugatan rin ang isa pang driver, konduktor at ilang pasahero matapos dumeretso ang bus sa bukid.

Ayon kay Senior Inspector Roman Renon, may isang person of interest na sila at inaalam pa kung may iba pa siyang kasama sa insidente.

Ani Renon, posibleng trip-trip lang ang pangyayari na nauwi sa aksidente.

Sasampahan ng malicious mischief resulting to serious physical injuries at damage to property ang suspek na at large pa hanggang ngayon.

Sinagot ng kumpanya ang gastusin sa ospital ni Cabralda. Aakuin din nito ang mga gastusin sa follow-up check-up ng driver.

Mula sa pagiging bus driver, plano rin ng GMW Bus company na gawin siyang dispatcher.

“Naawa talaga tayo sa kaniya kaya ngayon na hindi na siya nakapagmaneho dahil sa kalagayan niya ay gagawin natin siyang dispatcher. So promoted siya,” sabi ni Neil Jose, operations manager ng kumpanya ng bus.

“Papalagyan natin ng artificial eye,” dagdag ni Jose. 

Bukod sa promotion, inalok din ng kumpanya na magtrabaho sa kanila ang panganay na anak na lalaki ni Cabralda.

“Kung gusto ng anak niya na magtrabaho sa atin hahanapan natin siya ng trabaho kasi alam ko ang hirap ng buhay at para may kasama na rin 'yun tatay niya dito,” ani Jose.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.