Suplay ng NFA rice sa merkado ng Davao City, hanggang Marso na lang

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 08:12 PM

DAVAO CITY - Kinompirma ng National Food Authority (NFA) ng Davao City na hanggang Marso 15 na lang ang suplay ng NFA rice sa mga accredited rice retailers sa lungsod.

Ito ay dahil ilalaan ang natitirang suplay ng NFA rice sa supplemental feeding program at calamity resources ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito rin ay para may nakalaang suplay ng bigas ang lungsod kung sakaling tamaan ng kalamidad gaya ng bagyo, baha, sunog at iba pa.

Ayon kay Leonila Selpa, manager ng NFA Davao, maayos pa naman ang suplay ng commercial rice sa lungsod at hindi dapat ikabahala ng mga konsyumer dahil inaasahan nilang makukuha ang bigas mula sa grain importation request na darating bago mag-Hunyo.

Aabot sa 8,000 sako ng bigas ang ilalaan para sa DSWD, habang 6,000 sako ng bigas na lamang ang natitira para sa 261 na accredited NFA rice retailers sa lungsod.