PDEA sa DILG: Ilantad ang mga opisyal ng barangay sa narco-list

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 11:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hinahamon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ilabas ang narco-list ng mga barangay officials na sangkot sa droga upang hindi na maiboto sa darating na halalan.

"[Kung ako iyan] ipe-present ko 'yung lahat ng mga barangay captains at kagawad na involved sa drugs para malaman ng lahat na ito, huwag niyo ito iboto come May elections," ani Aquino. 

Pero duda pa rin ang PDEA dahil kahit na may partisipasyon ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ay talamak pa rin ang droga sa kabila ng maraming operasyong ikinakasa nila at ng pulisya.

Sa 42,000 na barangay sa bansa, nasa 30 porsiyento ang walang BADAC.

"Stop warning these barangay captains, [just] file a case against them. Suspend them. Kung talagang ayaw mag-create ng BADAC, suspendido ang katapat niyan eh...Most likely iyang captain ay involved sa illegal drugs," ani Aquino.

Sa ilalim ng batas, aktibo dapat ang BADAC sa bawat barangay na responsableng gumawa ng mga programa para labanan ang droga.

Sila rin ang makikipagtulungan sa mga drug operations ng mga awtoridad kabilang na ang pagsumite ng drugs watchlist.

Sa memorandum na ipinalabas ng DILG noong nakaraang buwan, Marso 21 na ang deadline para magsumite ang lahat ng barangay ng kanilang drugs watch list.

Maaaring ipataw sa barangay captain at mga kagawad ang 60-day suspension at tuluyang pagsibak kung hindi sila makasusunod sa deadline.

Tiniyak naman ng DILG na idinadaan nila sa verification process ang lahat ng mga pangalang nasa barangay watch list. 

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.