P2 milyong halaga ng umano'y pekeng sigarilyo, nasamsam sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 08:18 PM

Nasa 38 karton ng umano'y pekeng sigarilyo ang nasabat ng NBI sa isang bahay sa Davao City nitong Marso 7, 2018. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa isang bahay dito ang halos P2 milyong halaga ng umano'y pekeng sigarilyo nitong Miyerkoles ng umaga.

Sa bisa ng search warrant, ginalugad ng mga kawani ng NBI ang isang bahay kung saan nakuha ang 38 karton na naglalaman ng mga hinihinalang pekeng sigarilyo.

Umamin naman ang asawa ng may-ari ng bahay, na tumangging pangalanan, na peke ang kanilang ibinebentang sigarilyo mula umano sa isang Tsino.

Bago ang raid, sinubukan muna ng mga kawani ng NBI na bumili ng mga pekeng sigarilyo noong nakaraang linggo.

Ang mga nabiling sigarilyo ay dinala sa Maynila upang masuri sa laboratoryo at makumpirma kung peke nga ang mga ito. 

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang nagbenta ng umano'y pekeng sigarilyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.