P180K halaga ng ecstasy, nakuha sa banyo ng Puerto Princesa airport

Arlie Cabestante, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 01:50 PM

Nakuha sa banyo sa Puerto Princesa airport ang tinatayang nasa P180,000 na halaga ng ecstasy nitong Martes, Marso 6, 2018. Arlie Cabestante, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Tinatayang nasa P180,000 na halaga ng hinihinalang ecstasy ang nakuha sa banyo ng paliparan dito noong Martes.

Dalawang lagayan ng gamot na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga ang nakuha ng isang empleyado ng paliparan sa basurahan ng banyo para sa mga lalaki. Malapit ang nasabing banyo sa may arrival area ng paliparan.

Nasa 180 pirasong tableta ng umano'y ecstasy ang nakuha mula sa basurahan.

Agad na iniulat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang diumano'y ilegal na droga.

Nang ipaamoy sa K9 unit, nagsenyales ang mga aso na may kahina-hinalang laman ang lagayan. 

Pinag-aaralan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kuha ng CCTV sa mga pumasok at lumabas ng paliparan dahil hinihinalang ipapasok sana sa siyudad ang mga nakuhang droga.

Ipapadala naman ng PDEA-Palawan ang mga pinaghihinalaang ecstasy sa headquarters nito sa Maynila upang masuri.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.