Opisyal sa city hall, nakuhanan sa CCTV na nanuntok ng tanod

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 09:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan ng CCTV ang pagsugod at pambubugbog ng isang lokal na opisyal sa isang barangay tanod at kaniyang kapatid sa Trece Martires, Cavite Martes ng hapon.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay San Agustin, makikitang nakatambay sa labas ng barangay ang magkapatid na sina Jayson at Agusto Mardo Jr. nang biglang dumating ang hepe ng city planning ng lungsod na si Alberto Ararao.

Agad sinugod ni Ararao ang magkapatid at pinagsusuntok.

Pilit na inaawat ng mga taga-barangay si Ararao.

Kuwento ng magkapatid, isang tangke lamang ng LPG ang pinagmulan ng gulo.

May hindi umano naisauling tangke ng LPG si Agusto.

Bahagyang namaga ang pisngi ni Jayson na isang barangay tanod, habang putok naman ang labi ni Agusto.

Nasa barangay noon ang mga Mardo at misis ni Ararao para mag-usap.

Bago ang panununtok, nagkasundo na umano sa barangay na babayaran ng magkapatid ang utang.

Ilang oras lang ang pagitan, ang kuya naman umano ng magkapatid na si Jerry ang sinuntok ni Ararao habang naghihintay ng pasahero sa pila ng tricycle.

Depensa ni Ararao, hindi siya basta-basta magagalit nang walang rason.

Ayon sa kaniya, dati niyang naging tao sa kaniyang negosyo na pagbebenta ng LPG ang anak ni Agusto.

Ninakawan umano siya nito ng maraming tangke.

Kaya rin umano siya napasugod sa barangay ay dahil mistulang pinagkakaisahan ng pamilya Mardo ang kanyang misis nang pagharapin sila.

Kinasuhan na ng direct assault at physical injuries si Ararao. 

Handa naman umano si Ararao na sagutin ang kaso at magsampa ng kontra demanda kung kinakailangan. --Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.