Duterte, tinawag na 'taksil' dahil sa joint exploration kasama ng China

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 07:48 PM

Iginiit ng Makabayan bloc ng Kamara na tahasang "pagtataksil" sa bayan ang pagpabor ng gobyerno sa joint exploration sa West Philippine Sea kasama ang China.

Anila, tila nagsisilbi pang "ahente" ng China si Pangulong Rodrigo Duterte dahil siya ang mismong nagpalutang ng suhestiyong pagsasanib-puwersa ng dalawang bansa upang kalkalin ang mga tagong-yaman ng nasabing karagatan. 

"President Duterte is serving as the principal agent of Chinese economic political and military expansion in the Philippines. Napakalinaw ng pagtataksil...Binebenta po nila rito ay kinabukasan ng mga Pilipino," ani ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Sinita rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang posibleng paggamit sa natural gas ng Pilipinas bilang collateral sa mga pautang ng China.

"Nagpapakita kung ano talaga ang sadya, ano ang purpose bakit ganitong napakagalante ng China," aniya. 

Ayon sa Makabayan bloc, dapat mag-ingat ang gobyerno dahil posibleng magipit ang bansa sa mga pinapasok nitong transaksiyon sa China.

'Mas mainam' 

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na walang kakayahan ang Pilipinas na palayasin ang China sa mga lugar na inaangkin nito kaya't mas mainam na magkatuwang na pakinabangan na lang ito ng dalawang bansa.

Ito ay kahit pa nakumpirma ng gobyerno na nakapagpatayo na ang China sa pitong isla sa West Philippine Sea ng mga radar, military bases, at tatlong airport na mas malaki pa umano sa NAIA.

Ani National Security Adviser Hermogenes Esperon, puwede ring magkatuwang na pakinabangan ng dalawang bansa ang mga estrukturang itinayo ng China.

Samantala, taliwas sa opinyon ni acting Chief Justice Antonio Carpio, nanindigan ang MalacaƱang na dapat pa ring tawaging "disputed" o pinag-aagawan ang mga land territories sa West Philippine Sea.

Paliwanag ng administrasyon, maliwanag na hindi saklaw ng matagumpay na arbitral tribunal ruling ang kalupaan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

"[T]he issue of land territory remains disputed, that is why we still have to refer to it as the disputed islands...because that was not the subject of any ruling on the part of the [UNCLOS]," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. --Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.