DILG: P1-bilyon na environmental fees sa Boracay, saan napunta?

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 12:50 PM | Updated as of Mar 07 2018 03:25 PM

Inuusisa na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang nasa P1 bilyon na environmental fees na nakolekta ng lokal na pamahalaan mula sa mga turistang dumayo sa Boracay nitong nakaraang 10 taon, ayon sa isang opisyal ngayong Miyerkoles.

Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing, nagbabayad ng P75 na environmental fee ang bawat turistang pumupunta sa islang tanyag sa white beach nito.

Nasa 2 milyon aniya ang dumarayo sa Boracay kada taon kaya nakakakolekta ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P150 milyon na environmental fee.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"'Pag titingnan ho natin ang 10 years na aming babalikan, bilyon hong pera ang nakolekta ng lokal na gobyerno," sabi ni Densing sa panayam ng DZMM.

"Gusto rin naming malaman kung saan napunta iyan, baka nagamit kung saan-saan. Mayroon na hong kriminal na aspeto ang kalalabasan po nito," dagdag niya.
 
Nakalaan dapat ang environmental fee sa paglilinis ng baybayin ng Boracay pero kamakailan ay pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumi ng isla at binansagan pa itong isang "cesspool."

Isang malawakang paglilinis ang ipinatutupad ngayon ng gobyerno, kung saan pinapanagot din ang mga establisimyento na may mga paglabag sa mga environmental laws at zoning regulations.

Binigyan ni Duterte ang DILG, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, at iba pang ahensiya ng 6 na buwan para isaayos ang Boracay.

Bumuo na ng task force ang mga ahensiya. Nitong nakaraang linggo, nagsimula ang grupo na imbestigahan kung aling mga resort ang dapat ipasara dahil sa mga sari-saring paglabag, sabi ni Densing.

Tinitingnan din aniya ng task force kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal kaugnay ng ilang resort na naitayo umano kahit walang environmental clearance at building permit.

Samantala, inirekomenda rin nina Tourism Secretary Wanda Teo at DILG officer-in-charge Eduardo Año na isara ang Boracay ng 60 araw para sa rehabilitasyon ng isla.

Babayaran ng pamahalaan para tumulong sa clean-up ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa panukalang closure, sabi ni Densing.

Tinitingnan din aniya ng DILG kung maaaring magamit na pampasuweldo sa grupo ang environmental fees.

Dagdag ni Densing, nakikipag-ugnayan ang DILG sa labor at social welfare departments para makapag-alok ng pautang sa mga maaapektuhang manggagawa.
 
Umapela naman siya sa mga negosyante na makipagtulungan sa posibleng pagpapasara ng Boracay.

"Pinapakiusapan po namin ang mga negosyante, kung halimbawang mapag-usapan na maipasara, makisama na lamang ho... Mayroon pong pinaplano ang Department of Tourism na ire-relaunch ang Boracay. Mas maraming kikitain ang mga negosyante d'yan," he said.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.