3 patay, 2 sugatan sa banggaan ng kotse at motorsiklo sa CamSur

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 10:06 PM | Updated as of Mar 08 2018 01:17 PM

Nayupi ang isang sasakyan matapos itong tumama sa puno at bumangga sa isang motorsiklo sa Libmanan, Camarines Sur noong Marso 6, 2018. ABS-CBN News

LIBMANAN, Camarines Sur- Tatlo ang patay habang 2 naman ang sugatan sa banggaan ng sasakyan at motorsiklo dito noong Martes ng gabi.

Patay ang drayber ng sasakyan na si Arkhie Evasco, 29; ang drayber ng motorsiklo na si John Joseph Jumawan, 28; at ang pasahero ng motorsiklo na si Cesar Jumawan Jr, 20.

Sugatan naman ang kapatid ni Evasco na si Francis, at isang Ariel Niones na nakaangkas din sa motorsiklo.

Nagsalpukan ang sasakyan at motorsiklo sa bahagi ng Maharlika highway sa Barangay Tinanquihan pasado alas-11 ng gabi.

Matapos ang banggaan, dumiretso pa ng halos 50 metro ang sasakyan bago tuluyang bumangga sa isang puno na nagresulta sa pagkayupi nito.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, lumalabas na mula sa lungsod ng Naga ang sasakyan at papunta sana sa bayan ng Libmanan.

Bibisitahin umano sana ng magkapatid na Evasco ang kanilang mga magulang.

Ayon sa pulisya, posibleng hindi napansin ng drayber ng sasakyan ang motorsiklo dahil gabi nangyari ang insidente at wala raw ilaw ang motorsiklo. Matulin din daw ang takbo ng sasakyan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.