PNP Internal Affairs, iimbestigahan ang mga alegasyon ni Lascañas

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2017 05:50 PM

MANILA - Ikinasa na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsusuri sa mga umano'y aktibong pulis na kasamang pinangalanan ng retiradong SPO3 Arthur Lascañas sa pagdinig sa Senado noong Lunes.

Ang fact-finding investigation ay isasagawa ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP, matapos baliktarin ni Lascañas ang kanyang naunang testimonya hinggil sa naging partisipasyon nito sa diumano’y Davao Death Squad (DDS).

Ayon kay P/Dir. Leo Angelo Leuterio, Deputy Inspector General ng PNP-IAS, gumugulong na ang kanilang pag-imbestiga hinggil sa impormasyong isiniwalat ng retiradong pulis kahapon.

Dagdag ni Leuterio, bago para sa kanila ang mga pahayag ni Lascañas, kaya't hindi pa umano nila ito maitatalaga bilang intelligence information.

Sa ngayon aniya ay wala pa silang hawak na opisyal na dokumento mula sa sinumpaang salaysay ni Lascañas, kundi photocopy lang.

Mahalagang makakuha sila ng authenticated testimony ni Lascañas na siyang magiging batayan ng kanilang pag-iimbestiga. Kung hindi man kukuha sila ng kopya ng Senate proceedings para sa kanilang isasagawang imbestigasyon, ani Leuterio.

Ilan sa mga pinangalanan noong Lunes ay sina S/Supt. Rommel Mitra, kasalukuyang Chief ng Directoral staff ng PRO-3; SPO1 Jim Tan; at ang Deputy City Director ng Davao City Police Office na si Supt. Antonio Rivera. 

Nadawit din mismong si PNP Chief Ronald Dela Rosa, na isa rin sa mga diumano’y nakasama sa mga operasyon at naatasan na pumatay.

Babala naman ngayon ng PNP-IAS na wala silang sasantuhin maging ang PNP chief sa kanilang gagawing imbestigasyon, sakaling makitaan nila ng katotohanan ang mga isinawalat ni Lascañas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.