Umano'y tulak sa mga estudyante, timbog sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 10:03 AM

Nasabat mula kay "Jerry" ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, isang P500-bill, isang cal. 22 na baril, tatlong bala at isang kapsula. Kim Lorenzo, ABS-CBN News

SARRAT, Ilocos Norte - Arestado ang umano’y nagtutulak ng ilegal na droga sa mga estudyante sa bayang ito nitong Lunes.

Ayon kay Chief Inspector Roldan Suitos ng PNP-Sarrat, naaktuhan nilang nagbenta ng isang sachet ng shabu ang 43-anyos na si alyas Jerry sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Barangay 24.

Dagdag niya, maliban sa pagtutulak ni Jerry sa ibang bayan, mga estudyante pa ang parokyano nito.

Pang 15 rin ito sa drugs watchlist ng pulisya sa bayan at hindi sumuko sa "Oplan Tokhang" ng pulisya.

Maliban sa isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500 nakuhanan pa ito ng 3 sachet ng hinihinalang shabu, isang cal. 22 na baril na walang kaakibat na dokumentado at 3 bala.