Mga establisimyento sa paligid ng Puerto Princesa Underground River, iinspeksiyunin rin

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 10:07 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Nakatakda na ring inspeksiyunin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Puerto Princesa Underground River bilang bahagi ng paghihigpit nito sa pagpapatupad ng mga environmental laws.

Mahigpit na minomonitor ngayon ng DENR ang mga tourist destinations sa bansa. Inuna na ang isla ng Boracay sa probinsya ng Aklan.

Sa Palawan, tinutukan ngayon ang bayan ng El Nido na susundan naman ng bayan ng Coron.

Pero ang Sitio Sabang, Barangay Cabayungan na nakakasakop sa Puerto Princesa Underground River, nakatakda na ring isama sa listahan ng iinspeksyunin.

"Sa March 8 kami ay naka-schedule na talagang sukatin yung from the highest tide going to the allowed na area natin which is 30 meters from the highest tide. Lahat yan from tip to tip ng Sitio Sabang," ani ni Elizabeth Maclang, Park Superintendent ng Underground River.

Una na rin umanong nagkaroon ng clearing sa dalampasigan ng Sitio Sabang kung saan inalis ang ilang mga kubol at mga tindahan.

Kampante naman daw ang pamunuan ng Underground River na muling susunod ang mga negosyante sa lugar.

Samantala, hindi naman umano dapat ikabahala na madumi ang tubig dagat sa lugar dahil pasado naman daw ito sa water testing ng DENR.

Noong 2017 ay mayroon itong 700mpn (most probable number) ng coliform na mas mababa sa 1600mpn na tolerable limit ng DENR.

Ayon sa Palawan Provincial Environment and Natural Resources Office, magpapatuloy na ang ganitong mga paghihigpit at monitoring sa buong Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.