Fresh grads, mga dating OFW, target sa idaraos na job fair

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 09:26 PM | Updated as of Mar 06 2018 11:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pakay tulungan ng isang gaganaping job fair ang mga dating overseas Filipino worker (OFW), gayundin ang mga bagong graduate, mapa-kolehiyo man o K-12 program.

Inaasahang 50 employers ang lalahok sa job fair na inihanda ng Department of Labor and Employment-Bureau of Local Employment (DOLE-BLE) sa Marso 26 sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Sa taya ng DOLE-BLE, nasa 1.3 milyong K-12 graduates mula sa unang batch ng programa ang dadagdag sa mga maghahanap ng trabaho ngayong taon. 

Tiwala naman ang ahensiya na may mga trabahong mapapasukan ang senior high school graduates.

"Halimbawa... the call center agent, 'yan regardless of age, puwede sila ng high school graduate. Importante na maging open-minded po 'yong ating jobseekers. Gawin nila ito bilang isang oportunidad para mahasa nang husto ang kanilang skills," ani Dominique Tutay, director ng DOLE-BLE. 

Maglalagay naman ng priority lane para sa mga OFW na gusto nang maghanap ng oportunidad dito sa Pilipinas.

Malaki rin ang pangangailangan para sa skilled workers dahil mahigit 10,000 ang job vacancy ngayon sa construction.

May special lane din lalo na ang mga OFW na galing Kuwait na bibigyan din ng libreng training para mas lalong mapadali ang paghahanap ng trabaho.

Aminado naman ang DOLE-BLE, hindi kayang tapatan ng local jobs ang suweldong puwedeng makuha sa ibang bansa.

Pero ayon sa ahensiya, dapat isipin na lang daw ng mga bumabalik na OFW na hindi kayang tapatan ng kahit na anong halaga ng pera ang pagkakataon na makapamuhay ulit sa Pilipinas at makapiling ulit ang pamilya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.