41 dating drug dependent, nagtapos sa rehab program ng Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 02:37 PM

Panibagong batch ng dating "drug dependents" mula sa Valenzuela City ang nakatapos na ng rehabilitation program ng kanilang lokal na pamahalaan.

Isa na dito ang 35-anyos na si alyas "Nando," na high school pa lamang nang matutong gumamit ng ilegal na droga.

Noong nakaraang taon ay siya na mismo ang lumapit sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela upang boluntaryong maisailalim sa rehabilitation program.

"Una nahirapan ako. Umabot sa akin 'yung 'hiyang' o 'yung hinahanap ng katawan mo. Pero nung tumagal, natutunan ko na rin na wala," kuwento ni Nando.

Sa loob ng mahigit 9 na buwan, nanatili siya sa drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija kung saan siya sumailalim sa counselling at sa proseso ng tuluyang paghinto sa paggamit ng droga.

Isa lamang si Nando sa 41 indibiduwal na nakapagtapos sa programa ng Valenzuela Anti-Drug Abuse Council at nakatakda na rin siyang magsimula sa kaniyang bagong trabaho bilang isang forklift operator sa lungsod sa tulong na rin ng pamahalaan.

"Dati ang tingin ko sa sarili ko, isa na akong sanggano, walang respeto, walang paggalang. Pero ngayon after ng rehabilitation, pinagmamalaki ko 'yon. Ang rehab ang tumulong sa akin," kuwento ni Nando.

Para naman sa 29 anyos na si alyas "Chino," hindi niya akalain na malaki ang maitutulong ng rehabilitation program sa kaniya upang tuluyang makapagbago.

Ayon kay Chino, kahit na nagbibisyo noon ay naitutuloy naman niya ang kaniyang trabaho bilang call center agent at web developer hanggang sa maaresto na siya sa isang police operation.

"Hindi ako gumagawa ng masama. Nung nandun ako, I realized I made a mistake...Marami akong pinagsisisihan, pero hindi naman ako magiging ganito kung hindi dahil sa pagkakamali na 'yon," ani Chino.

Ayon sa Council, ito na ang kanilang ikalawang batch simula noong 2016 kung saan umabot sa 140 ang unang grupo ng kanilang "kliyente" o ang tawag nila sa mga sumailalim at nakatapos ng kanilang rehabilitation program.

Bukod pa ito sa kanilang 1,100 "kliyente" na nasa community wellness center na hindi na kinakailangan ng mas matinding intervention.

Ayon kay Atty. Bimbo Dela Cruz, action officer ng Council, isasailalim pa sa 6 na buwan na monitoring at eksaminasyon ang mga nakatapos sa programa upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang kanilang rehabilitasyon.

Bibigyan rin sila ng financial assistance na P20,000 at isasailalim sa training programs upang muling makapagsimula at makapagtrabaho.

-- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.