QCPD, inihahanda ang mga kaso laban sa grupo ni Angel Manalo

DZMM

Posted at Mar 04 2017 10:48 AM

Kausap ni Angel Manalo ang kanyang mga taga-suporta sa Quezon City District Public Safety Battalion sa Camp Karingal. Larawan ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

MANILA - Inihahanda na ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga kasong isasampa laban sa grupo ni Angel Manalo at kapatid na si Lolita.

Sabi ni QCPD Director Guillermo Eleazar na kabilang dito ang illegal possession of firearms, frustrated murder, at assault bagama’t patuloy silang nangangalap ng mga ebidensyang magpapatibay sa mga isasampang kaso.

Kabilang sa mga hawak ng mga pulis ang isang Jonathan Ledesma, na sinasabing nagpaputok ng M-16 Armalite rifle noong isinisilbi ang search warrant na ikinasugat umano ng 2 pulis.

Sinabi ni Eleazar na mananatili pa sa Kampo Karingal ang grupo ni Manalo habang inilipat sa QCPD Women and Children’s Protection Desk ang 3 menor de edad na kabilang sa 32 dinampot noong Huwebes.

Inaresto ng mga pulis si Angel Manalo, ang itiniwalag na kapatid ni Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo Manalo noong Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.