Hindi makuhang record ng estudyanteng lumipat ng paaralan, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 07:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pahirapang pagkuha ng form 137 ng estudyanteng lumipat mula private school papuntang public school sa Laguna ang isyung tinutukan ng "Tapat Na Po."
    
Kuwento ng buntis na si Clarissa Tan, malapit na ang kaniyang kabuwanan pero imbes na mag-relax at iwas-stress ay namomroblema pa siya sa form 137 o tala ng mga grado ng anak.

Ilang ulit na daw silang nag-follow-up sa dating paaralan pero hindi pa rin umano nito maibigay ang hinihinging dokumento.

"Ang sabi po sa akin 'yun nga, na wala daw opisina...Tatlong beses ko na pong pinuntahan na puro ganun lang po ang sinasabi sa akin," hinaing ni Tan. 

Nag-aalala si Tan dahil hinihingi na ng nilipatang public school ng anak ang form 137.

"Mawawala talaga siya sa grade 1 kasi hindi puwedeng ibabase sa card lang, eh kasi card lang po iyon," pag-aalala ni Tan. 

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang naturang private school sa Batangas pero walang humarap sa aming reporter.

Inilapit ng Tapat Na Po sa Department of Education (DepEd) ang problema na agad namang naaksyunan.

Kinumpirma ng ahensiya na may permit ang paaralan na pinanggalingan ng estudyante. Pero ang kutob ni Tan, nagbago ang may-ari nito kaya pahirapan ang pagkuha ng record.

"Kahit iba ang may-ari ngayon, kasi kapag binili 'yun lahat, pati records, pati structure, kasama dun 'yun eh," paliwanag naman ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo. 

Nitong Pebrero 24, Sabado, ganap nang nabunutan ng tinik sa dibdib si Tan dahil naibigay na ng dating eskuwelahan ang form 137 ng anak.
    
Sa mga konsyumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.