4 sugatan sa salpukan ng motorsiklo, kotse sa Butuan

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 12:05 AM

Yupi ang harapan ng kotse matapos sumalpok sa isang motorsiklo sa Butuan City, Biyernes ng gabi. ABS-CBN News

BUTUAN CITY - Apat ang sugatan matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at kotse sa Butuan City nitong Biyernes ng gabi.

Pauwi na sana si Shim Tabada, driver ng motorsiklo, at tatlong angkas ng motor na sina Jose Jacosalim, Michael Sajol at Cherryl Sajol pasado alas-7 ng gabi nang mabangga sa kasalubong na kotse.

Tumilapon sa lakas ng salpukan ang tatlong angkas. Pinaniniwalaang nabali naman ang kanang binti ni Tabada. 

Isinugod ang mga sugatan sa Butuan City Medical Center.

Wasak ang motorsiklo at natanggal ang gulong sa harap habang basag ang windshield at yupi-yupi naman ang harap ng kotse.

Lumalabas na nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang driver ng kotse.

"Nakita namin na nag-overtake ang kasalubong na kotse. Nag-signal pa siya na babalik sa kanyang lane kaya hindi na kami umilag pero dumiretso ito," ani Sajol.

Nasa kustodiya na ng Butuan City Police ang driver ng kotse na nakaligtas sa tulong ng airbag. 

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties ang driver ng kotse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.