2 kawani ng Palawan provincial government patay sa pamamaril

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 10:42 AM

Patay ang dalawang empleyado ng Palawan Provincial Government matapos pagbabarilin ng hindi pa matukoy na armadong grupo sa bayan ng Sofronio Española sa Palawan, Biyernes ng madaling araw.

Agad na namatay sina Bobby Llamazares, 40, residente ng Puerto Princesa City, at Lory Castor Sr., 61, ng Sofronio Española. Kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang mga biktima. 

Hindi nabanggit ng pulisya kung saang tanggapan konektado ang dalawang biktima.

Ayon sa inisyal na ulat ng Palawan Provincial Police Office, nagsilbing mga police asset ang dalawang biktima.

Pasado alas-4 ng umaga nang magtungo ang mga biktima sa Sitio Maribong, Barangay Pulot Interior para makipag-usap sa umano’y miyembro ng New People’s Army na handa na umanong sumuko.

Pero papunta pa lamang sila sa lugar sakay ng motorsiklo nang harangin at pagbabarilin ng isang armadong grupo. 

Nakuha sa lugar ang 12 basyo ng di pa tukoy na kalibre ng baril, 4 na bala ng kalibre .45, isang bala at 24 basyo ng M14 rifle.

Hindi pa matukoy ng awtoridad ang motibo sa pamamaril at kasalukuyang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya at provincial government.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.