1 patay, 3 sugatan sa salpukan ng 2 trak sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 06:31 PM

Nayupi ang unahan ng isang dump truck matapos itong bumangga sa isang cargo truck nitong Sabado. Kuha ni Bayan Patroller Rhoderick BeƱez

MANILA - Isa ang patay habang 3 iba pa ang sugatan matapos magsalpukan ang 2 trak sa national highway sa bayan ng Makilala, Cotabato nitong Sabado.

Patay ang drayber ng dump truck na kinilalang si Alvin Alipato, 26, habang sugatan naman ang mga pasahero nito na sina Ronilo Librea, 25, Redjie Madjos, 19, at Francis Larebi, 23. 

Ligtas naman ang drayber ng cargo truck na si Juliene Guerrero, 41.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, nawalan umano ng preno ang dump truck hanggang sa bumangga ito sa cargo truck sa National Highway, Purok 11, sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Dahil sa lakas umano ng pagkakabangga, tumagilid ang cargo truck at nayupi ang unahang bahagi ng dump truck. 

Papunta sana sa Cotabato ang cargo truck na may kargang higit 500 sako ng pataba sa lupa.

Dinala naman sa Kidapawan Medical Specialist Center ang mga nasugatan habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya at clearing operations sa lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.