Dahil sa selos: Babae, sinampal at minura ng kamag-aral

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nag-viral kamakailan sa social media ang video ng isang babaeng pinagsasampal at pinagmumura ng kaniyang kamag-aral sa Lucena City, Quezon.

Agosto 2017 pa nangyari ang insidente pero ngayon lang lumitaw ang video sa social media.

Higit 4,000 beses nang na-share sa Facebook ang orihinal na video post ng isang Bayan Patroller bago niya ito tinanggal.

Sa kabila ng pagtanggal, patuloy pa rin ang pagkalat ng video sa social media.

Mapapanood sa video ang ilang beses na pagsampal kay alyas "Vanessa" ng isang babaeng kapwa niya estudyante sa Sacred Heart College sa lungsod.

Bukod sa pananampal, kitang dinuduro at pinagmumura rin si Vanessa ng isa pang babae habang pinanonood sila ang mga kasamahan nito.

Ayon sa 14 anyos na Grade 8 student na si Vanessa, selos ang dahilan kung bakit siya sinaktan ng babae. 

Nagkagusto kasi umano kay Vanessa ang karelasyon ng babae. 

"Nagpapatulong lang kasi 'yong ex-boyfriend niya sa akin na gumawa ng surprise para sa monthsary nila lagi," ani Vanessa.

Wala nang ama si Vanessa at nasa ibang bansa ang kaniyang ina kaya ang lola na lang niya ang humihingi ng katarungan sa nangyari.

"Ang gusto ko pong mangyari, mapanagot sila, maparusahan sila. Kita niyo naman sa video kung paano nila sinaktan ang apo ko at pinagtawanan," sabi ng lola ni Vanessa.

Lumitaw rin sa social media ang tugon ng ina ni "Vanessa."

Nanawagan siya sa pamunuan ng paaralan na aksiyonan ang nangyari.

Dati na umanong naipatawag ng pamunuan ng eskuwelahan ang mga magulang ng mga batang sangkot sa insidente pero tila hindi ito nagawan ng aksiyon.

Nagpa-blotter sa barangay ang pamilya ni alyas "Vanessa" matapos siyang magsumbong na pinagbantaan pa rin siya ng mga sangkot.

Sa ipinadalang pahayag ng Sacred Heart College, sinabi nitong muling iimbestigahan ang pangyayari.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.