Mangingisda patay nang sumabog ang hawak na dinamita

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2017 12:54 PM

Photo Courtesy: PNP-SAN JUAN,ILOCOS SUR

SAN JUAN, Ilocos Sur - Patay ang isang mangingisda matapos umanong pumutok ang hawak niyang improvised na dinamita na gagamitin sana sa pangingisda sa dagat sakop ng Barangay Surngit sa bayang ito, Miyerkules ng hapon.

Kinilala ang mangingisdang si Gladlee Ford Vitamog, 31, na agad namatay matapos masabugan ng dinamita. Matindi ang mga sugat sa katawan ni Vitamog at naputol pa ang kamay nitong nasabugan.

Kuwento ng kapwa mangingisda, nakita umano niya si Vitamog na nakatayo pa umano sa gitna ng kanyang balsa ilang sandali bago makarinig ng malakas na pagsabog.

“Nahulog na siya sa tubig. Hinanap siya sa tubig. Nang makita ipinunta na dito sa pampang, 'yun ang mga nakita ko, kasi kumakain ako kanina, may sumabog, tinitignan ko wala na 'yung tao sa may balsa,” ayon kay Samuel Asuncion.

Ayon naman sa misis ng biktima, hindi niya pinayagang mangisda sa dagat si Vitamog pero nagpumilit ito.

Hindi rin niya umano alam na gumagamit ng improvised na dinamita si Vitamog sa kanyang pangingisda.

“Sabi niya pupunta siya mga late na, hapon na pero napaaga siya pumunta. Pinipigilan ko, pumunta pa rin,” ayon kay Ivy Vitamog.

Ayon naman sa pulisya, wala silang makitang record ni Vitamog na nagsasabing dati na itong gumamit o gumagawa ng dinamita.

Inaalam naman ng awtoridad kung kanino galing ang improvised na dinamita at kung sino-sino ang gumagawa nito.

 “Yung biktima wala namang record dito sa opisina na dati na siyang nagsasagawa ng dynamite fishing o gumagawa ng improvised na dinamita,” ayon kay Police Senior Inspector Benjamin Raquedan.

Si Vitamog ang kauna-unahang biktima na namatay dahil sa illegal fishing sa nasabing lugar ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.